BIANCA YSABEL RABE

sa mga hindi
nag-alangang
umuwi

Ang koleksyon ng mga tulang tuluyan ni Bianca Ysabel D. Rabe ay pagbubuntal sa kasaysayan ng kanyang bayan at ritwal ng mga nananahan doon. Inaanyayahan niya tayong tabihan siya sa kanyang pananahi. Buong tapang niyang hinahawakan ang karayom upang ipagbulang ang kanyang mambabasa.Ang mga piyesang hinahain niya sa atin ay mga dasal: proteskyon sa mga espiritung hindi man nakikita ay buhay na buhay sa kamalayan ng mga Lucbanin, mga ritwal at taal na aral.Kailangang aralin ang mga dasal sa pagbaybay ng mapang inilalatag niya. Ngunit ang Sa Araw-araw Na Ginawa ng Diyos ay hindi ordinaryong mapa. Gabay ito sa mga daan papunta sa mga sulok at espasyong banal, luklukan ng mga altar at bakuran ng kabataan.Hubad ang paa ni Bea sa pagtapak sa misla, binabagtas ang mga kwartong kailanman ay hindi magiging kanya. Nakayapak siyang magsasalaysay ng prusisyon, kahit mapaso ang talampakan, tapat niyang ilalahad kung paano niya naalala ang mga ritwal ng mahal na araw. Mag-aantanda sa harap ni Magdalena saka tayo iiwan “Sa mga bingit ng bangin sa Makiling—.”


Lagi akong namamangha sa mga akda ni Bea simula nang yakapin niya ang pagsusulat ng prosa sa wikang Filipino. Hinahagod ako ng mga pagsasalaysay niya’t pananalinghaga. Minsan, nakalilito ang pagtalon ng kanyang lenggwahe mula koloyal tungong pormal at lirikal. Minsan uumpisahan niya sa Magaslaw akong bata, at hindi na iyan nagbago upang sorpresahin tayo sa mga linyang Batid kong nagpipigil sila ng hininga nang matuto akong maglakad—nakaantabay sa sunod na hakbang ‘di dahil sa takot na masaktan, bagkus ay ang makasakit. Kilalang-kilala pala niya ang sarili at malay sa kapintasan.Punong-puno ng tensyon ang kaniyang mga piyesa. Mahusay siyang bumuo ng isang kwarto. Pupunuin niya ito ng imahen upang maramdaman mong hindi ka dapat naroroon pero nanaisin mong manatili.Marunong siyang magtimpi tulad ng matutunghayan sa “Ilang aralin sa pagbuburda.” Isang seryeng may limang yugto.Higit sa lahat, marunong siyang mang-aliw. Ramdam mo ang kasiyahan niya sa pagsusulat, kahit ilang beses siyang matusok ng karayom, mapasma at mainis sa pagtastas at pagbuhol ng mga sinulid. Handa siyang mag-aral ng pagbubuntal upang maranasang maaliw ang magbabasa ng kaniyang libro.Buo lagi ang loob ni Bea sa pagtahak ng mga daang masukal. Tatahian ka niya ng mapa hindi para maiwasang maligaw kung hindi upang pag-aralan ang mga daang hindi pa natatahak—upang makadiskubre ng mga bagong lagusan.


Noong unang taon ni Bea sa Makiling, naalala kong niyaya ko siyang tumabi sa akin. Pinagsabihan ko yata siya tungkol sa kanyang pagiging magaslaw. Tinanggap niya at saka dere-deretsong nagkuwento. Sa huling taon niya, ganoon pa rin siya: magaslaw. Ang kaibahan ngayon, mahusay na siyang magkuwento at manalinghaga. Hindi naman kapintasan ang pagiging magaslaw—kalakasan ito ng babae kung matutuhan niya itong angkinin. Itong sinubukan niyang gawin, inaral niya ang kasaysayan at ugat ng kanyang pagkatao, upang ang personal na danas ay maiugnay sa bayan.Rae Rival

...I took no maps, I cannot read maps—why press a seal on running water?
— Anne Carson, Plainwater

.
.
Paano maipaliliwanag itong hindi / mapangalanan?
— Edgar Calabia Samar, Isa Na Namang Pagtingala sa Buwan

MGA PAGLALAYAG
Isang Panimula

“...everything is related to everything else,
but near things are more related than distant things.”
Waldo Tobler, First Law of Geography

Nakikita ko palagi ang aking bayan bilang lugar ng mga pansamantalang bagay—‘didahil sa kusa kong paglayo dito, ngunit dahil sa dalas ng mga umaalis at bumabalik. Patunay ang bilang ng mga terminal ng van at bus na matatagpuan sa mga sulok ng bayan at bilang ng mga biyahe na kailangang idispatsa sa araw-araw. Karamihan ng mga naninirahan ay nakatagpo ng hanapbuhay sa ibang lugar, at tila bumabalik na lamang kapag hinihiling ng pagkakataon.

.......... At ano ba naman ang gagawin ng isang bata kundi ang gayahin ang nakikita? Madalas, nagugugol ang aking oras sa pagbiyahe. Kung hindi papunta sa Lucban, Quezon, ang bayang kinalakihan at kinagisnan, ay paakyat sa Los Banos, Laguna, ang aking naging pangalawang tahanan. Sa Mt. Makiling ako pumapasok bilang isang mag- aaral ng Malikhaing Pagsulat. Aaminin ko na mas nauna ko pang nakabisado ang daanpalabas ng aming bayan kaysa sa mismong mga kalye dito sa amin.

.......... Dito, tila, nag-umpisa ang aking inklinasyon na isa-titik ang distansiya. Walang ibang paraan upang mabilang o mahawakan itong mga pagitan na ako mismo ang naglatag kundi sa aking mga isinusulat. Sa pagbuo ng aking mga akda, binalikan ko’t binaybay ang mga sulok na hindi ko na maalala. Malay akong nagsusulat tayo tungkol sa ating mga tahanan, mga daanan—tungkol sa ating mga bayan—upang maunawaan bakit ito nililisan........... At ang Sa Araw-araw Na Ginawa ng Diyos ay ang aking pagtatangka upangmaunawaan kung bakit nga ba natin ito binabalikan.

.......... Nag-umpisa ang proyektong ito mula sa mga tradisyong naantala dahil sa pandemya. Ang Mahal na Araw ay ang isa sa dalawang rason kung bakit umuuwi ang aking mga kamag-anak sa aming tahanan dito sa Lucban (ang isa ay Pasko)—upang parangalan ang pamilya, panata, at tradisyon. Tuwing Biyernes Santo ay sumasama kaming mag-anak at pumipila sa prusisyon ng mga poon sa bayan, bilang pagtatanghal ng aming paniniwala.

.......... Binabakat natin ang pinagmulan ng mga prusisyon bilang isang paraan ng mga mananakop upang makilala ang mga bagong lugar na nais nilang angkinin. Ang mga itinuturing na pangunahing daanan ang mga lagusan ng buhay sa isang lunan. Kung kaya’t ang ruta ng traslacion ay ang paghahayag ng kapangyarihan sa loob ng bayan, at ng bayan mismo. Sa ritwal na ito matutukoy ang pagkakaugnay ng naratibo ng mga nananahan dito—mula sa kanilang tahanan, pamilya, hanggang sa mga panatang ipinamamana.

.......... At marahil saka ko lamang nakita ang mga iba’t ibang pagsasalin ng distansiya na kailangan kong tilarin. Ang mga alamat ng paglisan ay taal hindi lamang sa akin o sa aking pamilya, sapagkat litaw rin ito sa mga tradisyon at pananampalataya ng bayan na aking ginagalawan, at sa bundok na siya nitong tinatanglawan.

.......... Sa isang literal na aspeto, ang tubig na nanggagaling mula sa bundok ang búhay ng irigasyon sa Lucban, na siya namang bumubuháy sa bayan. Ngunit hindi lamang ito ang lumalagaslas mula sa Bundok Banahaw. Bilang isang pook ng hiwaga at mistisismo, dumadaloy ito sa mga kalsada ng bayan na nagiging imbakan ng pananampalataya at kasaysayan. Tumutuloy ito sa mga siit ng pintuan at doon nananahan........... Sa pagnuot ng mga ito nabubuo ang pag-iral.

.......... Tunay na masalimuot. Lalo na’t nagsasala-salabid ang mga salaysay at kailangan ko pang sumisid upang mahanap kung nasaan ka sa lahat ng ito. At kung magiging sigurado ako sa isang bagay, ito ay ang katotohanan na ang mga puwang at pagitan ay nabibilang, naitatala, naimamapa. At upang makagawa ng isang mapa, dapat kang maglakbay.

.......... Hindi tayo natatakot sa pamilyar sapagkat ito ang nakasanayan. Sa hindi pamilyar tayo natatakot, kung kaya’t nangangahas. Laging mayroong pagdududa sa mga look na walang matinong kalye na maaninag, o ‘di kaya’y hindi “naabot ng daan”— palibhasa’y sa mga kalsada natin nababatid na ang isang lugar ay ligtas. Mayroon nang mga nauna. Dahil kung saan natatapos ang daan, doon nagsisimula ang pangamba.

.......... Ang pamagat ay isang pangungusap na laging sinasabi sa akin ng aking lola at ng aking ina tuwing mayroon akong nakakalimutan bago umalis—Sa Araw-araw na lamang na ginawa ng diyos. Ipinaparating nito ang hindi paglimot sa mga bagay na dapat nakasanayan na. Ano kaya ang pagsasalin nito sa mga bagay na makakasanayan pa lamang?
.
.

Bianca Ysabel Rabe
Abril 23, 2021